ARESTADO ang 208 kataong pawang lumabag sa batas habang nasamsam ang hindi bababa sa P14 milyong halaga ng ilegal na droga sa isang linggong Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Unit (SACLEO) na isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan simula hatinggabi ng Lunes, 23 Enero hanggang Sabado, 29 Enero.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nadakip ang 86 personalidad sa serye ng anti-drug busts na ikinasa ng iba’t ibang Station Drug Enforcement Units (SDEUs).
Sa mga isinagawang operasyon, nakompiska ang 288 pakete ng hinihinalang shabu at 31 pakete ng tuyong dahon ng marijuana tinatayang may kabuuang halaga batay sa Dangerous Drug Board (DDB) na P14,501,737.40; sari-saring drug paraphernalia; at buybust money.
Samantala, nasakote ang 102 kataong may mga kasong kriminal sa serye ng pagsisilbi ng mga warrant of arrest kabilang ang apat na nakatalang most wanted persons (MWP) ng mga tracker team ng iba’t ibang municipal at city police stations, Mobile Force Companies ng Bulacan Police Provincial Office, at magkasanib na puwersa mula sa 301st MC RMFB-3, Bulacan PHPT, 24th Special Action Company (SAF), at CIDG Bulacan.
Gayondin, timbog ang 20 sugarol sa magkakasunod na anti-illegal gambling operations na ikinasa ng mga tauhan ng Bulacan PPO, naaktohan ang mga suspek sa tupada, card bet games, at cara y cruz.
Ang mga nagawang ito ng Bulacan police sa SACLEO ng PRO 3 ay pagpapahayag ng ibayong pagsisikap at walang humpay na kampanya laban sa mga taong pinaghahanap ng batas, ilegal na droga, loose firearms, at ilegal na sugal. (MICKA BAUTISTA)