TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hindi pababayan ng pamahalaan ang pamilya ni Jullebee Ranara, ang 35-anyos household worker na natagpuang sunog na bangkay sa isang disyerto sa Kuwait noong nakalipas na linggo.
“I just wanted to offer my sympathies to the family and to assure them that all the assistance that they might need… for the family and for whatever else, ang pangako ko sa kanila. Kaya naman nagsakripisyo ang anak nila na magtrabaho sa abroad ay dahil may mga pangarap siya para sa kanyang pamilya,” anang Pangulo sa pamilya nang magtungo sa burol ni Jullebee sa Las Piñas City kahapon.
“Kaya’t sinabi ko dahil nawala na ‘yung anak ninyo kami na lang ang tutupad ng pangarap ninyo. Lahat ng assistance na puwede naming ibigay, ibibigay namin,” dagdag niya.
Sinabi ni FM Jr., inaayos na ang bilateral meetings sa Kuwait upang repasohin ang Bilateral Labor Agreement (BLA) para mas mabigyan ng proteksiyon ang overseas Filipino workers (OFWs) kasunod ng brutal na pagpaslang kay Jullebee ng 17-anyos anak ng kanyang employer.
“We are also scheduling bilateral meetings with Kuwait to look at the agreement that we have to see if there are any weaknesses in the agreement that allowed this to happen and to make sure that those weaknesses are remedied so that the agreement is stronger and… will be more supportive of our workers,” giit ng Pangulo.
Nauna rito’y inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na isasailalim sa autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga labi ni Jullebee. (ROSE NOVENARIO)