SA MAIGTING na pagpapatupad ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Unit (SACLEO) ng Bulacan PPO, nasakote ang may kabuuang 20 indibidwal na pawang may mga paglabag sa batas nitong Sabado, 28 Enero.
Batay sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nadakip ang 11 personalidad sa droga sa mga serye ng anti-illegal drug operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue, Balagtas, Sta. Maria, Pandi, Plaridel, at Obando MPS.
Narekober mula sa mga suspek ang kabuuang 24 pakete ng hinihinalang shabu at isang pakete ng marijuana, gayondin ang perang ginamit sa operasyon.
Samantala, naaresto ang anim na suspek sa inilatag na anti-illegal gambling operations ng mga tauhan ng Malolos CPS sa Brgy. Panasahan, sa lungsod ng Malolos.
Nakompiska mula sa mga suspek na naaktohan sa paglalaro ng bilyar na ginawang sugal ang perang taya sa iba’t ibang denominasyon, billiard balls, at billiard cue stick.
Gayondin, nakorner ang tatlo kataong pinaghahanap ng batas sa iba’t ibang manhunt operations na isinagawa ng tracker team ng municipal at city police stations ng Malolos, Pandi, at Doña Remedios Trinidad.
Naaresto ang mga suspek sa mga kasong rape; grave threat; slight physical injuries, paglabag sa RA 9003 at kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/stations para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)