MA at PA
ni Rommel Placente
NOONG Martes ng gabi, ipinakilala sa entertainment press ang bagong talent management na Marikit Artist Management. Kasabay na rin ang pagpapakilala sa kanilang talents. Isa rito ang aspiring actor na si Charles Angeles, 18.
Sa tanong namin kay Charles kung noon pa ba ay pangarap niya nang pasukin ang showbiz, ang sagot niya, “Actually, noong bata po ako, hindi ko po talaga plano na mag-acting. Last year po, noong manalo ako sa municipality pageant po namin, doon ko po na-realize na huwag akong matakot na mag-take ng risk or opportunities na darating po sa akin tulad po sa pageant na sinalihan ko, hindi ko nga po inasahan na ako ang mananalo.
“Kaya noong inoperan po ako ng Marikit na maging talent nila, pumayag na po ako. Gusto ko na rin pong i-try ang acting. And willing to learn naman po.”
Si Charles ang itinanghal na Mister Candelaria Quezon 2022.
Handa na ba siyang harapin ang intriga ngayong papasukin niya ang showbiz?
“Handa naman po,” sagot niya.
“Since galing po ako sa streaming industry, na covered po ang bashings po talaga na comment ng comment ng hindi magaganda, nasanay na po ako.
“Sinisigurado ko naman po na hindi ako magpapaapekto sa mga basher o mga intriga.”
Ano ang mga inaasahan niya na magagawa sa kanyang career o plano sa kanya ng Marikit?
“Actually, ang dami kong inaasahan sa kanila. Alam ko naman po na hindi nila mamadaliin ‘yung progress. Pero super thankful po ako sa kanila na binigyan nila ako ng ganitong opportunity.
“Nag-start na naman po ‘yung workshop last year.”
Pangarap ni Charles na makagawa ng serye. At kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto niyang makatrabaho sina Daniel Padilla, Seth Fedelin, Joshua Garcia, at Francine Diaz.
Bukod kay Charles, ang ilan pa sa mga alaga ng Marikit ay sina Barbara Miguel, Kyle Ocampo, Angelika Santiago, Jeremy Luiz, at Masculados composed of Robin Miguel, Nico Cordova, David Karell, Enrico Mofar, Orlando Sol, at Richard Yumul.