HINDI nakapalag ang isang lalaki sa pag-aresto ng mga awtoridad nang masukol sa ikinasang drug buybust operation sa bahagi ng Mighty Rd., Brgy. Tikay, lungsod ng Malolos, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng gabi, 23 Enero.
Ayon sa ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isinagawa ang operasyon ng magkasanib na mga elemento ng Special Operations Unit (SOU) bilang lead unit na pinamunuan ni P/Lt. John Carlos Arriesgado sa ilalim ng superbisyon ni P/Lt. Col. Joel Estaris ng Malolos CPS at Guiguinto MPS.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Zhadie Voie Montaos, alyas Aboy, 30 anyos, ‘Kristo’ sa sabungan, at residente sa Blk. 2 Lot 12 Sarmiento Homes, Brgy. Abangan Norte, Marilao.
Inaresto ang suspek dakong 8:35 pm kamakalawa matapos magbenta ng isang piraso ng selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu, nagkakahalaga ng P1,000, sa isang police poseur buyer.
Nasamsam mula sa suspek ang isang coin purse; limang piraso ng selyadong pakete ng plastic ng hinihinalang shabu; P1,000 buybust money; P50 bill; Vivo cellphone; kotseng Nissan Sentra, may plakang ZDK 724; isang timbangan; at driver’s license.
Tinatayang lahat ng nakompiskang ilegal na droga mula sa suspek ay may timbang na 25 gramo at Dangerous Drug Board (DDB) Value na P170,000.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Malolos CPS ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa sa kanya ng kasong paglabag sa RA 9165 sa Malolos City Prosecutor’s Office samantala ang mga nakompiskang potensiyal na ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit. (MICKA BAUTISTA)