NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang dating pulis na nasa talaan ng Most Wanted Persons ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa bayan ng Pulilan, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 23 Enero.
Magkakatuwan na nagsagawa ng manhunt operation ang ang magkasanib na mga tauhan ng Regional Intelligence Unit 7, Pulilan MPS, RIU3, RIU- NCR at iba pang konsernadong yunit sa Bgry. Poblacion, sa nabanggit na bayan.
Arestado ang suspek na kinilalang si SPO1 William Reed, dating miyembro ng PNP, 57 anyos, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong double murder na inilabas ni Judge Rodolfo Ponferrada, may petsang 25 Mayo 2001 at walang itinakdang piyansa.
Nabatid na nakatala si Reed sa National Most Wanted Person ng DILG at may nakalaang P250,000 monetary reward para sa kanyang pagdakip.
Pahayag ni PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen, ang intelligence build-up effort at kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons ay pinaigting kabilang ang sa mga police scalawags na nararapat lamang na ikulong sa rehas na bakal para pagdusahan ang kanilang mga ginawang krimen. (MICKA BAUTISTA)