NADAKIP ang pitong lalaking pinaniniwalaang mga kilabot na magnanakaw sa mga trucking services sa lalawigan ng Tarlac sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa lalawigan nitong Sabado, 21 Enero.
Sa ulat na ipinadala kay PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen, nakatanggap ang Capas MPS ng ulat kaugnay sa insidente ng nakawang naganap sa Matias Trucking sa Brgy. Sto. Domingo 2nd, sa bayan ng Capas, na nagawang kilalanin ng biktima kaya naisumbong ang get-away vehicle na isang Hyundai multicab.
Agad nagresponde at tinugis ng mga tauhan ng Capas MPS ang mga tumatakas na suspek na hindi pa gaanong nakalalayo sa lugar.
Nang mapansin ng grupong hinahabol sila, nagpapautok ang isa rito na nag-udyok sa kanila upang gumanti sanhi upang tamaan ang rear tire ng kanilang sasakyan kaya gumewang-gewang sa lansangan at huminto na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver; at iba pang nakaw na kagamitan.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, napag-alamang sangkot ang grupo sa serye ng pagnanakaw ng mga baterya ng truck, krudo, at iba pang petrolyo sa iba’t ibang lugar sa NCR, Region 3, at Region IV-A. (MICKA BAUTISTA)