SA TEMANG “Unang Republikang Pilipino: Gabay Tungo sa Napapanahong Pagbabago,” gugunitain sa lalawigan ng Bulacan ang ika-124 Anibersaryo ng Republikang Pilipino ng 1899 sa Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan ngayong araw ng Lunes, Enero 23.
Ang programa ay pangungunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando na sasamahan ni Kinatawan Danilo A. Domingo bilang panauhing pandangal na sisimulan sa pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak kasama si Bise Gobernador Alexis C. Castro.
Sa lahat ng progreso at pag-unlad na paparating sa lalawigan, siniguro ni Fernando, nananatili sa puso ng mga Bulakenyo ang pagkamakabayan at respeto sa lalawigan kung saan naitatag ang Unang Republika ng Filipinas.
“Sa modernisasyon at kaunlarang kinakaharap ng ating lalawigan, nais kong ipinta sa mga puso’t isip ng bawat Bulakenyo ang kahalagahan ng araw ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Ito ay araw ng pagdakila sa ating mga ninuno na inilaban ang demokrasya, ito ay araw ng pagkilala sa lalawigan bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan,” anang gobernador.
Inaasahang dadalo sa programa sina Bulacan Provincial Director PColonel Relly B. Arnedo, OIC-Executive Director Carminda R. Arevalo ng National Historical Commission of the Philippines, Mayor Christian D. Natividad ng Lungsod ng Malolos at mga pinuno ng tanggapan at ibang kawani ng Pamahalaang Panlalawigan. (MICKA BAUTISTA)