NAGSIMULA sa kuwentohan, napunta sa diskusyon, uminit sa argumentong hindi napagkasunduan, hanggang naghuramentado ang lalaking dehado, na umutas ng isang buhay at sumugat sa dalawa pa, sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 21 Enero.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Jay-R Dilobina, 26 anyos, residente sa Brgy. Bagong Silang, Caloocan City.
Sa imbestiagsyon nabatid, dakong 9:30 am kamakalawa nang maganap ang argumento ng suspek at ng biktimang si Miguel Martinez, 20 anyos, hanggang mauwi sa suntukan sa Harmony Hills 1, Brgy. Muzon, sa nabanggit na lungsod.
Nang maramdamang dehado sa suntukan, kumuha ng patalim si Dilobino at walang humpay na pinagsasaksak si Martinez na kanyang ikinahandusay dahil sa malalalang tama sa katawan.
Nakita ito ng mga kaanak ng biktimang sina Marc Luise Martinez, 22 anyos; at Marcelito Martinez, Jr., kaya akma nilang tutulungan ngunit hinarang sila ni Dilobino at pinag-uundayan ng saksak bago tumakas palayo sa lugar.
Naisugod sa pinakamalapit na pagamutan si Miguel Martinez ngunit idineklara ng mga attending physician na dead-on-arrival samantala ang dalawa pang biktima ng pananaksak ay patuloy na nilalapatan ng lunas.
Samantala, naaresto ng mga awtoridad ang suspek na ngayon ay nakakulong sa San Jose del Monte CPS custodial facility at nakatakdang sampahan ng mga karampatang kaso. (MICKA BAUTISTA)