NADAKIP ng mga ahente ng CIDG Nueva Ecija Field Unit ang dalawang police personnel na akusado sa pagdukot at pagpatay sa isang babaeng negosyante nitong Huwebes, 19 Enero, sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni P/BGen. Romeo Caramat, Jr., ang mga naarestong sina P/SSg. June Marcelo Mallillin ng Palayan CPS at P/MSg. Rowen Reyes Martin ng Cabanatuan CPS, kapuwa akusado sa kasong Kidnapping for Ransom with Homicide sa ilalim ng Art. 267 ng RPC na inamyendahan ng RA 7659 at may Joint Judgment na may petsang 18 Enero 2023, na inilabas ni Judge Ana Marie Joson-Viterbo ng Cabanatuan RTC Branch 24.
“Nakatanggap ng tawag ang ating mga tauhan sa Nueva Ecija mula sa nasabing korte upang ipaalam na sila ay maglalabas nga ng kanilang hatol laban sa mga akusado. Nagpunta naman agad ang ating tauhan doon, kumuha ng kopya ng Joint Judgment at isinagawa ang pag-aresto,” pahayag ni P/BGen. Caramat.
Sa nasabing 36-pahinang Joint Judgment ay lumitaw na ang mga akusado ay nagsabuwatan sa pagdukot at pagpatay sa biktimang kinilalang si Nadia Casar, na una nilang hiningan ng extortion ransom money na P100,000 ransom mula sa kanyang pamilya hanggang patayin, sunugin at ilibing ang kanyang bangkay.
Ayon din sa nasabing Joint Judgment, si Casar at kasama nitong Grab driver na si Mark Nua Batac ay dinukot ng nasabing mga akusado noong 20 Hulyo 2021 sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Sa naging pahayag ni P/BGen.Caramat, sila ay ikinulong sa hindi tukoy na lugar at ang babaing biktima ay inatasan na tumawag sa pamilya upang magpadala ng pera kapalit ng kalayaan.
Kalaunan ay pinakawalan nila ang Grab driver samantalang pinatay na nila ang biktima saka sinunog nag kanyang bangkay na narekober ng mga awtoridad makaraan ang 13 araw.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Nueva Ecija ang mga akusadong sina Mallillin at Martin. (MICKA BAUTISTA)