ISINAKTIBO ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang Bike Patrol na inilunsad sa Camp Gen. Alejo Santos, sa lungsod ng Malolos, nitong Miyerkoles ng umaga, 18 Enero.
Pahayag ni P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang Bike Patrol ay proyekto na sama-samang pagtutulungan ng Bulacan PPO at Provincial Government of Bulacan.
May kabuuang 80 police officers mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa Bulacan ang inisyuhan ng tigi-isang bisikleta, helmet at arm sleeves na ipinagkaloob ni Bulacan Gov. Daniel Fernando.
Sa pagsasaaktibo ng Bike Patrol, ang mga pulis ay higit na makikita sa mga lugar na nagtitipon ang mga tao tulad ng mga tourist destinations, palalakasin ang kakayahan upang mapigilan at mabilis na tumugon sa mga krimen sa lansangan, at gayundin ay upang i-promote ang physical fitness.
Samantala, kasabay ding ginawa ang ceremonial ground breaking ng soon-to-rise na 540-sqm covered court ng Bulacan PPO.
Sa suporta at tulong ni Gov. Fernando, ang covered court ay magiging isa nang katotohanan, na katuparan na matagal nang layunin.
Sa pagkakaroon ng covered court, ang mga miyembro ng Bulacan Provincial Police Office ay matitiyak na palaging nasa maayos na pangangatawan at kalusugan, at magagawa nilang tumupad sa tungkulin na epektibo at mahusay
Dagdag pang kapag masama ang panahon lalo kapag umuulan ay magagamit nila ito sa mga outdoor event.
Ang aktibidad ay tinampukan ni Gov. Fernando bilang Guest of Honor at tagapagsalita; kasama sina Dr. Eliseo Dela Cruz, Department Head ng Provincial History, Art, and Culture Office; at Rev. Msgr. Pablo Legaspi, Jr., PC, na siyang nagbasbas ng pagdiriwang. (MICKA BAUTISTA)