NANAWAGAN si Gob. Daniel Fernando sa mga ahensiya na konektado sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam ng Angat, Ipo, at Bustos sa isang pagpupulong kasama ang mga stakeholder ng dam na ginanap sa Christine’s Restaurant, Brgy. Dakila, sa lungsod ng Malolos, sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ay upang masusing pag-aralan ang kanilang mga protocol sa pagpapakawala ng tubig at ikonsidera ang mga tao na direktang naaapektuhan ng kanilang mga desisyon.
Kaugnay ito sa 3,500 residente na lumikas at naitalang pinsalang abaot sa P17-milyon sa agrikultura dulot ng malakas na pag-ulan dala ng hanging Amihan na sinabayan pa ng pagpapakawala ng tubig ng mga dam na naging dahilan ng pagbaha sa ilang bayan ng Bulacan kabilang ang Norzagaray, San Rafael, Calumpit, Paombong, Angat, Bustos, Pulilan, Hagonoy, Plaridel, at lungsod ng Baliwag.
“Marami ang nasirang bahay, nawala ang ari-arian, nawala ang mga gamit. Mabuti na lamang po at walang buhay na nawala dahil naagapan ng ating mga mayor at ating MDRRMOs. Although nagbibigay naman kayo ng alarma, but in my opinion and in my observation, it was not sufficient, it was not enough,” anang gobernador.
Ipinunto ng gobernador na noong 4 Enero, naabot ng Angat Dam ang spilling level nito na 212 metro ngunit walang pagpapakawala na naganap kahit pa ayon sa mga forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), malakas pa rin ang pag-ulan sa araw na iyon.
“Bakit hindi pa natin inunti-unting inilabas noong 212 meters pa lang? Bakit hinintay pa natin na umabot ng 215 meter noong January 5 bago tayo nagpakawala? Naiintindihan ko naman na kailangang magpakawala ng tubig dahil mas maraming maaapektuhan kapag hindi nag-release. Pero pwede naman pala na pumitik-pitik na ng release nung 212 meters pa lang. Hinintay pa natin na tumaas, saka tayo nagpakawala ng mataas na volume ng tubig,” pagsiyasat niya.
Ipinaliwanag ni National Power Corporation (NPC) Department Manager Conrado G. Sison, Jr. na dahil non-flood season, kailangan nilang mag-imbak ng tubig upang may magamit na sapat na tubig pagdating ng tag-araw.
“Tama po ang sinabi ni governor. Based on our protocol, kapag 212 na ang level kami po ay supposed to be ay mag-o-open na ng gates kasi nasa non-flood season po tayo. Instead of opening the gates, para ma-contain sana, we requested Angat Hydro to maximize their operation para ‘yung tubig hindi sa spillway lalabas,” aniya.
Nangako din si Sison na patuloy na makikipag-usap sa iba pang ahensiya kabilang ang National Water Resources Board, PAGASA, National Irrigation Administration, at Metropolitan Waterworks and Sewerage System upang mapag-usapan ang isyu.
Samantala, sa ngalan ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Officer ng mga apektadong bayan, sinabi ni Bustos LDRRMO Paul Santos ang kanilang alalahanin at suhestiyon kabilang ang isang pag-aaral o feasibility study para sa pag-iimbak ng sobrang tubig mula sa mga dam; muling pagsusuri sa mga ipinatutupad na protocol sa pagpapakawala ng tubig; paghanap ng ibang pagkukunan ng tubig ng Metro Manila; at muling pagsusuri sa mga programang pangrelokasyong ng Pamahalaang Panlalawigan upang maiwasan ang pagtira ng mga tao sa tabi ng kailugan. (MICKA BAUTISTA)