Nadakip ng mga awtoridad hanggang nitong Lunes ng umaga, 16 Enero ang limang hinihinalang tulak, isang pinaghahanap ng batas, at apat na karnaper sa pinalakas pang kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, arestado ng mga tauhan ng Pandi at Bocae MPS ang anim na pinaniniwalaang drug peddlers sa ikinasang drug bust operation na kinilalang sina Moises Santos, Rodel Reyes, Michael Diaz, Mark Anthony Calma, at Christian Romance.
Narekober ng pulisya sa operasyon ang walong pakete ng hinihinalang shabu at marked money.
Samantala, isinilbi ng tracker team mula sa Malolos CPS kasama ang 301 MC RMFB3 ang warrant of arrest laban kay D. Villanosa ng Brgy. Bangkal, Malolos, para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury (RPC Art 365) at Abandonment of person in danger at Abandonment of one’s own victim (RPC ART 275).
Gayundin, sa agarang pagresponde ng mga tauhan ng Angat MPS, nasakote ang apat na suspek na kinilalang sina Mac Henry Castillo, John Patrick Tambiao, Anelica Tagoon, at Ara Mia Casalla, na responsable sa pagkarnap ng isang tricycle dakong 12:25 ng madaling araw kahapon sa Brgy. Sta. Cruz, Angat.
Nasamsam mula sa mga suspek ang kinarnap na tricycle na inilagay sa kustodiya ng Angat MPS kabilang ang mga suspek. (MICKA BAUTISTA)