INALERTO ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng Municipal DRRM Council ng Santa Ana, Cagayan ang mga residente kaugnay sa mga debris mula sa rocket ng China na Long March 7A na maaaring mahulog sa dagat na sakop ng munisipalidad.
Ayon kay Rueli Rapsing, PDRRMO officer-in-charge, ipinag-utos sa kanila ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na balaan ang mga residente ng Santa Ana ukol dito.
Sabi sa isang ulat mula sa Cagayan Provincial Information Office, hindi tiyak kung saan babagsak at kung gaano kalaki ang rocket debris.
Nauna nang naglabas ng pahayag ang Philippine Space Agency (PhilSA) na isa sa mga drop zone ng rocket debris ang dagat sa Santa Ana, Cagayan at Burgos, Ilocos Norte.
Nanawagan si Rapsing sa publiko partikular sa mga mangingisda na huwag hahawakan sa halip ay iulat agad sa mga awtoridad kung makakikita sila ng rocket debris.