SUGATAN ang limang menor de edad, dalawa sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa pinsala sa kanilang mga ulo matapos mabangga ng isang sports utility vehicle (SUV) ang kanilang sinasakyang motorsiklo nitong Martes ng umaga, 10 Enero, sa bayan ng Cordon, lalawigan ng Isabela.
Ayon sa pulisya, minamaneho ang motorsiklo ng isang 12-anyos batang lalaki habang angkas ang apat na bata na may edad lima, walo, siyam, at 10 anyos.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na tumatawid sa kalsada ang motorsiklo patungo sa Malapat Elementary School nang mabangga ng isang SUV na minamaneho ng isang Cesar Lim, 53 anyos, retiradong empleyado ng gobyerno sa lungsod ng Santiago, sa naturang lalawigan.
Dahil sa banggaan, tumilapon ang mga batang biktima mula sa motorsiklo na ikinapinsala ng kanilang mga katawan.
Dinala ang mga biktima sa Southern Isabela Medical Center sa lungsod ng Santiago upang malapatan ng lunas.
Samantala, sumuko sa mga awtoridad si Lim at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries.