Inaresto ng intelligence operatives ng Baliwag City Police Station (CPS) ang dalawang indibiduwal sa inilatag na entrapment operation sa Brgy.Bagong Nayon, Baliwag City, Bulacan kahapon, Enero 9.
Ang dalawang arestado ay isinasangkot sa mga reklamong Swindling/Estafa, Robbery Extortion at Falsification of Public Documents.
Ayon sa ulat mula kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang entrapment operation ay ikinasa sa loob ng isang fast-food restaurant sa Baliwag City na nagresulta sa pagkaaresto kina Melanie Pastrana, 49, professional teacher, mula sa Malipampang, San Ildefonso, at Christopher Verdillo, 46, isang driver, mula sa Malamig, Bustos, matapos na sila ay tumanggap ng marked “boodle” money mula sa nagrereklamong biktima.
Batay sa imbestigasyon, sa naging transaksiyon noong Hulyo 8, 2022, kabuuang Php 503,000.00 ang tinanggap ng mga suspek bilang kabayaran sa pagsasaayos at madaliin ang transaksiyon para sa paglilipat ng land title na kinuha ng biktima.
Dagdag pang sinabi ng biktima na ang mga suspek ay ay nabigong isaayos ang paglilipat ng titulo sapagkat ang mga dokumento na kanilang ibinigay na mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay ay sinasabing gawa-gawa lamang.
Lumapit na ang biktima sa mga awtoridad para humingi ng tulong nang si Pastrana at kanyang kasabuwat ay muling humingi ng dagdag na PhP 500, 000 kapalit ng mabilis na transaksiyon para sa paglilipat ng titulo.
Inihahanda na ang mga reklamong kriminal laban sa mga suspek na kasalukuyang nakadetine sa Baliwag City Police Station.(Micka Bautista)