NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person (MWP) sa Central Luzon kabilang ang tatlong pinaghahanap ng batas at anim na hinihinalang tulak sa pinaigting na kampanya laban sa kriminilidad sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon ng umaga, 8 Enero.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, natunton at nadakip sa ikinasang manhunt operation ng San Jose del Monte CPS, katuwang ang RIU-3, Bulacan Provincial Intelligence Unit, at sa pakikipag-ugnayan sa Malasiqui MPS-Pangasinan PPO, ang suspek na kinilalang si Jan Carlo Guevara, 19 anyos, sa Brgy. Warey, Malasiqui, Pangasinan.
Nakatala si Guevara bilang rank 4 most wanted person sa Regional Level ng PRO3, akusado sa kasong Statutory Rape.
Nabatid, matagal nang nagtatago sa batas ang akusado kaya walang palag nang hainan ng warrant of arrest na inilabas ng San Jose del Monte RTC Branch 5FC, walang itinakdang piyansa.
Gayondin, nasakote ng mga operatiba ng police stations ng Baliwag City, Meycauayan, at San Jose del Monte ang tatlo pang wanted na kriminal na sangkot sa mga kasong Cyber Crime Prevention Act of 2012 (R.A 10175) Cyber Libel, Acts of Lasciviousness in Relation to R.A. 7610, at Estafa.
Nagresulta ang anti-drug buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng mga himpilan ng pulisya ng Balagtas, Sta. Maria, Bustos, at San Ildefonso sa pagkakahuli sa anim na pinaniniwalaang drug dealers.
Kinilala ang mga suspek na sina Joel Exciya, Jaymar Bravo, Emmanuel Gonzales, Ben De Guzman, Joselito Alcantara, at Edgar Gatdula, nakuhaan ng 17 pakete ng hinihinalang shabu at marked money na ginamit sa operasyon. (MICKA BAUTISTA)