AGAD nadakip ng mga nagrespondeng awtoridad ang isang lalaking pinaniniwalaang pumatay ng kabarangay na tumangging tumagay ng alak sa bayan ng Paombong, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 2 Enero.
Sa ulat na ipinadala ng Paombong MPS kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Conrado Busatarde, residente sa Brgy. San Vicente, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na habang nakikipag-inuman ay inaya ni Conrado ang hindi na pinangalanang biktima para tumagay ng alak pero agad tinanggihan.
Sinabing napahiya ang suspek kaya kumuha ng patalim at walang kaabog-abog na pinagsasaksak ang biktima na napahandusay sa lupa.
Nagawang isugod ng mga nagrespondeng residente ang duguang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Nagtangka pang tumakas ang suspek ngunit bago siya tuluyang nakalayo ay agad siyang nadampot ng mga nakaalertong tauhan ng Paombong MPS.
Nahaharap sa kasong homicide ang suspek na nakakulong na sa Paombong MPS custodial facility. (MICKA BAUTISTA)