ni Rose Novenario
NANAWAGAN si dating Political Affairs secretary Ronald Llamas sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., magsagawa ng crackdown sa traders at hoarders ng sibuyas kaysa maglabas ng ‘walang ngipin’ na suggested retail price (SRP).
Sa panayam sa Politiko, sinabi ni Llamas na traders lamang ang nakikinabang sa sobrang taas ng presyo ng sibuyas na umabot sa P700 kada kilo sa palengke.
Aniya, ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), ang mga ibinebentang sibuyas sa kasalukuyan ay nabili mula Pebrero hanggang Agosto 2022 ng wala pang P100 kada kilo at ang iba’y bente pesos ang halaga, inimbak lamang sa cold storage at ngayo’y ipinagbibili ng hanggang P700 kilo.
“Nakikinabang ang mga traders, sabi nga ng Federation of Free Farmers, ‘yang mga sibuyas na ‘yan nabili mula February to August ng less than P100 , ‘yung iba nga P20 lang per kilo. Inilagay sa cold storage, tapos ngayon ibinenta ng P700. So ang nakikinabang diyan hindi ang farmers. Ang nakikinabang diyan ‘yung traders, ‘yung hoarders,” ani Llamas.
“Bakit hindi mag-crackdown ang gobyerno doon, imbes maglagay ng suggested retail price? Pangalan pa lang ang hina na, walang kangipin-ngipin,” giit niya
“Iyan ang isa sa mga kinakaharap nating problema. Kailangan pa natin mag-import ng 3 tons of rice, tayo ang second biggest importer of rice sa buong mundo. Second lang tayo sa China pero ang China, 1.4 billion ang population tayo 110 million. So bakit nangyayari sa atin yan?”
Aniya, bukod sa problema sa agrikultura may suliranin rin sa air traffic ang sasagupain ang gobyerno kaya’t dapat ‘umayos’ ang administrasyong FM Jr., upang hindi malasin ang bansa ngayong 2023.
“Iyan ang magho-haunt sa atin sa New Year, problema sa agriculture, sa air traffic. These are just the tip of the iceberg. Kailangan may ayusin tayo ng mas malalim kundi mamalasin tayo sa 2023 at hindi nakatutulong ang mga tweet, mga vlog na napaka-trivial,” ani Llamas.