MASUSING pagsisiyasat ang ginagawa ng mga kinauukulang ahensiya kasunod ng pansamantalang pagsasara ng airspace ng Filipinas noong Linggo, ayon sa Malacañang.
“A thorough investigation is being conducted by appropriate agencies,” ayon sa Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil sa text message sa mga mamamahayag.
Hindi bababa sa 282 flights ang kinansela, inilihis, o naantala sa araw ng Bagong Taon matapos magdeklara ng ‘teknikal na isyu’ ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC) dakong 9:50 am.
Nasa 56,000 pasahero ang naapektohan ng ‘teknikal na problema’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ng mga opisyal ng transportasyon, isang ‘lumang sistema’ ang aberya na naging sanhi ng pagsasara ng airspace ng Filipinas.
Ayon kay CAAP Director General Manuel Tamayo, nabigo ang isa sa mga uninterruptible power supplies (UPS) at kailangan gawin ang troubleshooting activities para malutas ang isyu.
Gayonman, nag-anunsiyo ang ilang airlines sa mga pasahero na asahan ang higit pang pagkaantala at pagkakansela ng flight dahil sa aberya.
Ilang araw bago naganap ang PH airspace shutdown, inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang administrasyong Marcos ay naghahanda sa pagtanggap ng mga panukala mula sa mga korporasyon sa pagsisikap na isapribado ang pangunahing gateway ng bansa, ang NAIA. (ROSE NOVENARIO)