NAITALA ng Department of Health (DOH) ang 11 insidente ng 11 firecracker-related injuries sa rehiyon ng Western Visayas sa nakalipas na pitong araw.
Ayon kay Dr. May Ann Sta. Lucia, OIC ng DOH-6 Local Health Support Division, pito sa 11 kaso ay naitala sa lalawigan ng Iloilo mula 21 hanggang 26 Disyembre.
Naitala rin ang tatlong insidente ng firecracker-related injuries sa lalawigan ng Negros Occidental at isang kaso sa lungsod ng Bacolod.
Pahayag ni Sta. Lucia, ang mga kaso ngayong taon ay mas mataas sa bilang ng mga kaso kompara noong isang taon na tanging pitong insidente ang naitala sa parehong panahon.
Naitala rin ang pinakamataas na bilang sa mga edad 11 hanggang 20 anyos at pito sa 11 ang nasugatan.
Karamihan sa mga nasugatan ay sanhi ng ‘boga.’
Dagdag ni Sta. Lucia, patuloy ang paalala ng DOH sa mga lokal na residente ng Western Visayas na gumamit ng mga alternatibong paraan sa pagsalubong sa bagong taon.
Maaari silang gumamit ng mga torotot at iba pang instrumentong pangmusika, ani Sta. Lucia.
Nananawagan rin ang DOH-6 sa mga residente na manood na lamang ng community fireworks shows imbes bumili ng mga paputok.