NADAKIP ang pito katao matapos maaktohan ng mga awtoridad sa tupada sa Brgy. Gaya-Gaya, lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 25 Disyembre, mismong araw ng Pasko.
Kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, ang mga suspek na sina Romulo Blanco; Victor Felicidario; Frodencio Austria; Alberto Serrano; Amadeo Merico; Oscar Barona, Jr.; at Jerry Quinonero.
Batay sa ulat mula kay P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, hepe ng San Jose del Monte CPS, nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga opisyal ng barangay at homeowners sa Toyota Village, sa naturang barangay na may nagaganap na tupada.
Dahil dito, agad nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng pulisya ng lungsod na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na nasukol sa lugar ng tupadahan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang tari, dalawang manok na panabong, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa hukuman ang mga suspek na ngayon ay nakadetine sa San Jose del Monte CPS custodial facility. (MICKA BAUTISTA)