ARESTADO ang 11 kalalakihan nang matiktikan ng mga awtoridad na babatak ng shabu upang salubungin ang Pasko sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes, 23 Disyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, dakong 10:00 pm nitong Biyernang nang ikinasa ang isang anti-illegal drugs operation ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS sa Purok 1 Brgy. Bagong Buhay 1, Area B, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na nakakuha ng impormasyon ang mga tauhan ng San Jose del Monte CPS na may isang bakuran sa naturang barangay ang ginagawang tambayan at batakan ng mga drug user.
Sinabing nagtipon-tipon ang mga kalalakihan sa nasabing lugar upang salubungin ang paparating na Pasko na pawang sabog sa droga.
Nakompiska ng mga awtoridad ang 18 pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at marked money mula sa mga suspek na ngayon ay nakakulong sa San Jose del Monte CPS custodial facility at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)