ni ROSE NOVENARIO
NANAWAGAN si public health advocate at former NTF adviser Dr. Tony Leachon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na irekonsidera ang nakaplano niyang China state visit sa susunod na linggo lalo na’t may surge ng kaso ng CoVid-19 sa naturang bansa.
Ayon kay Leachon, dapat munang kumuha ng tunay na status ng CoVid-19 cases sa China mula sa diplomatic corps at Department of Health (DOH) bago ang nakatakdang state visit.
Hindi aniya life and death situation ang state visit ni FM Jr., sa China at posible pa siya at kanyang delegasyon na ma-expose sa CoVid-19 at maaaring maging spreader pagbalik nila sa Filipinas.
“Well, that is a concern considering that we are not having accurate information coming from China and China has a past history of not disclosing the number of cases, the number of deaths,” ani Leachon sa Headstart sa ANC.
Matatandaan aniyang ang delay sa deklarasyon ng World Health Organization (WHO) sa CoVid-19 outbreak sa China noong Enero 2020 ang naging daan sa global pandemic.
“We have around 2 million Chinese visitors every year and because of the lack of solid plans in terms of the procurement of the bivalent vaccines, which can address the old Wuhan strain and the new variants, this may be a concern,” ayon kay Leachon
Itinigil ng China mula noong isang linggo ang paghahayag sa publiko ng update ng CoVid-19 cases mula nang mapaulat na daan-daang milyon na ang dinapuan ng virus mula magsimula ang Disyembre.
Wala pang pahayag ang Malacañang kaugnay sa babala ni Leachon.