ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IBANG klaseng husay ang ipinakita ng cast ng pelikulang My Father, Myself sa ginanap na premiere night nito last Monday sa Trinoma, Cinema 6.
Ang naturang pelikula ay pinakabagong obra ng award-winning director na si Joel Lamangan. Ito ay official entry sa 2022 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa December 25.
Dito’y gumaganap si Jake bilang si Robert, isang human rights lawyer na closet gay, na magkakaroon ng relasyon sa ampon niyang si Matthew (Sean) na anak ng dati niyang lover. Mas naging masalimuot ang takbo ng kuwento ng pelikula na tinatawag din na DL or Different Love story, dahil si Matthew ay mabubuntis naman ang anak ni Robert na si Mica (Tiffany).
Habang nangyayari ang lahat, si Amanda (Dimples) naman ay tahimik lang pala na kinikimkim ang mga bigat sa puso niya sa mga kaganapang ito, pero alam niya na isang closet gay ang lalaking minahal at pinakasalan niya.
Hindi lang ang matitinding laplapan nina Jake at Sean, pati na ang mainit na love scene nina Sean at Tiffany ang aabangan sa movie, kundi ang magagaling na acting ng mga arista rito.
Actually, most applauded ang confrontation scene nina Jake at Dimples, na ipinamukha ng huli na alam niyang bakla ang mister niya, ngunit dahil mahal niya, kaya nagbulag-bulagan siya. Pero nang maging karibal ni Robert ang anak na si Mica, sa ampon nilang si Matthew, dito na sumabog na parang bulkan si Amanda.
Dito pa lang sa eksenang ito, marami ang nagsasabi na contender na para sa awards sa MMFF sina Dimples at Jake.
Sina Sean at Mica naman ay hindi rin nagpahuli sa pagpapakita ng matinding performance rito.
Nang natapos ang premiere night ay kitang-kita na walang pagsidlan nang tuwa ang casts sa mga papuri at palakpakan na natanggap nila sa manonood that night.
Masayang pahayag ni Jake, “I just wanna say thank you so much. Thank you so much kasi sabi ko nga this movie is a very brave movie and thank you so much for riding this roller coaster ride with us. Sabi ko, you know, fortune favors the brave e. For us artist, hindi dapat tayo nagpapapigil.”
Pagpapatuloy pa ng magaling na aktor, “We should never… we should always allow ourselves to express our arts. So, nakita ninyo naman with Direk Joel Lamangan’s piece… so thank you so much,
“Please post about it, please help us promote it. Wala kami sa SM, so please help us promote it. We need your help. Thank you so much. Thank you everyone for coming here tonight. Thank you.”
Walang sinehan na showing ang My Father, Myself sa SM dahil ito ay nakakuha ng R-18 na rating sa MTRCB. Ito ag tanging pelikulang kalahok sa MMFF na may R-18 rating.
Ito naman ang nasabi ni Dimples, “Salamat po sa pagpunta ninyo at saka salamat din sa mga reaction ninyo. Nakatataba po ng puso, lalong-lalo na kapag naririnig ko kasi ang live audience, nakaka-miss din pala talaga. Kasi siyempre for the longest time, we have not seen each other in the cinemas.
“But I am very glad sa mga naririnig ko, roon pa lang po ay ramdam na ramdam na namin ang pagmamahal ninyo, and Jake, congratulations in advance.”
Pahabol ng Kapamilya actress, “Alam n’yo ang wini-wish ko talaga ay nandito si Direk Joel, para makita niya kung gaano ninyo minahal ang pelikula. So, salamat po sa inyo.”
Anyway, si Direk Joel ay nagpapagaling pa kaya wala sa premiere night samantala si Sean naman ay hindi nakarating dahil nasa shooting siya ng A Cup of Flavor sa Atok, Benguet. Ito ay under ng 3:16 Media Network.
Ang My Father, Myself ay mula sa panulat ni Quinn Carrillo at under ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo at Mentorque Productions ni Bryan Dy.
Kabilang din sa producers ng pelikula sina Win Salgado, Jumerlito P. Corpuz, at Nicanor C. Abad.
Kasama sa pelikula sina Alan Paule, Jim Pebanco, AC Carrillo, Mon Mendoza, Shawn Nino Gabriel, Erryn Garcia, KC Contreras, Rayah Minioza, at Joseph San Jose.