HARD TALK
ni Pilar Mateo
PADEDE pa rin. Si Meme! Ang hanggang ngayon ay endorser pa rin ng Milk Magic na si Meryll Soriano ay nagpapa-dede pa rin pala sa kanyang bunsong si Guido. Na-enjoy ito ni Meme nang dumaan ang pandemya. Na mas maraming panahon silang nagugol na magkasama ng kanyang partner na si Joem Bascon.
Kaya sa pag-aalaga sa bata eh, nahing hands on sila, halinhinan at ‘yun nga, mas madalas na magkaka-bonding. At ngayong medyo malaki-laki na ang kanilang baby at pwede na ring isama sa trabaho nila, desisyon naman ni Meme ang bumalik na at mag-concentrate sa pag-arte.
“Pagdating naman sa pagde-decide sa mga gusto ko pang gawin, sa career ko, very supportive si Joed. Kami sa isa’t isa. Kasi alam niya na this is my passion. At hangga’t there are possibilities for me to be in a film, lalo at maganda at ‘di mo matatanggihan eh, go ako riyan.”
Nag-focus din si Meme sa paggawa ng mga content niya online kaya kahit sabihing tinaman din siya ng mga issue sa mental health, napaglabanan niya ito.
“Iba pa rin kasi kapag may support system ka. ‘Yung talagang maiintindihan at iniintindi ka. Kaya rin siguro, naging malakas pa rin ako.”
Life begins at 40. So goes the saying. Cliché na eh, talaga namang dadaan at dadaan sa edad na ito. At eto na nga si Meryll. At kasabay ng pagtuntong niya sa panibagong journey, lalo sa kanyang karera, nagkakatukan na ang mga offer ngayon sa aktres.
Para namang isang malaking regalo sa kanya ang pagtuntong sa Crown Artist Management (CAM) na itinatag ng equally talented artist niya na si Maja Salvador.
“We’re welcoming Meryll as our new queen in CAM! Ang saya rin ng timing. As she turns 40, marami ring changes na mangyayari sa kanya, lalo sa trabaho.”
Ang inuusisa ngayon eh, kung sino sa kanila ni Maja ang mauunang rumampa patungo sa dambana. Rampa kahawak-kamay ang kanilang kailanman.
“Wala pa namang concrete plans sa amin ni Joem. Eversince kasi, kami ‘yung tipong we live in the moment. Basta…”