LUMIHIS ang isang light aircraft, may sakay na limang pasahero kabilang ang isang sanggol at 2-anyos paslit, sa nag-iisang runway ng bayan ng Itvatan, lalawigan ng Batanes, nitong Miyerkoles ng umaga, 14 Disyembre.
Lumapag ang maliit na eroplanong pag-aari ng Fliteline Airways, dakong 8:01 am nang mawalan ng kontrol sa kaliwang preno. Ang eroplano ay nasa pangangalaga nina Captain Adrian Jether Aquin, pilot, at kanyang co-pilot na si Carlo Cariño.
Ayon kay P/Col. John Dale Nobleza, nag-imbestiga sa insidente, lumihis pakanan ang eroplano hanggang dumausdos sa runway 36 ng Jose Abad Airport.
Napinsala ang nguso at harapang gulong ng eroplano nang tumgil sa 700-meter section ng runway na may habang 1,000 metro.
Ayon kay municipal health officer Dr. Nikita Gato, walang nasaktan sa insidente.
Kabilang sa mga pasahero ng eroplanong galing sa Basco Airport sina Fhaye Garcia, 32 anyos, nurse; Kathleen Garcia, 26 anyos, empleyado ng munisipyo ng Itvatan; Agatha Garcia, 2-anyos anak ni Kathleen; ang bagong silang na si Alison Garcia; at Rendel Niño, 26 anyos, isang seaman.
Nabatid na sinamahan ng nurse na si Fhaye si Kathleen na nanganak sa isang pagamutan sa bayan ng Basco.