ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAKATATLONG termino bilang congressman ng District 5 ng Quezon City ang versatile actor na si Alfred Vargas. Kaya tumakbo siyang konsehal nitong last election at ang nahalal naman sa puwesto ni Alfred sa lower house ay ang kapatid na si PM Vargas.
Sa panayam ng TEAM (The Entertainment Arts & Media) sa masipag na public servant at mahusay na aktor, nabanggit niyang maraming nag-imbita sa kanya last May para tumakbo sa national elections.
Aniya, “For 2022, ang daming nag-invite sa akin to run for national. Nag-decline ako kasi masaya naman ako rito. Actually gusto ko rin kasing magpahinga in a sense na mas magaan iyong trabaho sa council, e.”
Nabanggit ni Konsehal Alfred na happy siya sa nangyayari sa kanya ngayon. “Na-enjoy ko kasi tayo ay grumadweyt tayo ng Masters ng Public Administration sa UP. Patuloy na ‘yung pag-aaral natin kasi sa February, mag-e-enroll ulit ako, magpi-PhD (Doctor of Philosopy) na ako ng Urban Planning sa UP pa rin. Kaya natutuwa ako, kasi tuloy-tuloy lang tayo.”
Lately ay mas visible siya sa showbiz, partikular sa mga teleserye ng GMA-7.
Esplika niya, “You know what, very grateful ako sa GMA-7. Kasi, noong tapos na ang election and councilor na ako, dalawa kaagad iyong ibinigay sa aking project, which are Unica Hija at Arabella. Ang gaganda ng roles ko, grateful talaga ako sa GMA.”
Nabanggit din niya kung gaano kalaking tulong sa kanya ang pagiging aktor.
Wika ng masipag na public servant, “I would not be anywhere near where I am today if it weren’t for showbusiness. Ang pag-aartista, iyan ang nagpakain sa akin, nakabili ako ng bahay dahil diyan, diyan ko napalaki ang mga anak ko. Wala ako kung wala ang showbiz.”
Inihayag din niya ang dapat na katangian ng isang aktor. “I think bilang actor, versatile ka dapat, hindi ka lang pang-drama at pang-action. Minsan kapag may daring din na hinihingi ng role, kasama iyan sa trabaho mo. Ako, happy ako na nagawa ko iyon,” nakangiting sambit pa ni Konse Alfred.