Friday , November 15 2024
High-rise housing projects BLISS

High-rise housing projects tugon sa kakapusan ng disenteng tirahan

IKINOKONSIDERA ng pamahalaan ang pagtatayo ng high-rise housing o matataas na yunit ng pabahay upang matugunan ang kasalukuyang backlog at makahabol sa tumataas na pangangailangan para sa disenteng tirahan.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kanyang talumpati sa ceremonial turnover ng mga house and lot units mula sa National Housing Authority (NHA) sa Naic, Cavite kahapon na kulang ng halos 3.5 milyong housing unit noong siya ay senador.

Ngayong nakaupo na siya bilang pangulo, ang kakulangan aniya ng mga housing unit ay nasa 6.5 milyon base sa pagtataya ng gobyerno.

Ayon sa Pangulo, maaaring gayahin ng gobyerno ang BLISS project noong administrasyon ng kanyang ama, nanguna sa pagtatayo ng mid-rise housing units, partikular sa urban areas.

“Ngunit ngayon dahil mahirap na, siguro baka pataasin pa natin. Baka puwede nating itaas hanggang high-rise na. Ngunit pinag-aaralan natin ito siguro case-to-case na ito,” aniya.

Gumagawa aniya ang pamahalaan ng paraan upang maorganisa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan  tulad ng local government units (LGUs), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), NHA, lehislatura, at pambansang pamahalaan para makahanap ng solusyon sa dumaraming pangangailangan ng bansa para sa karagdagang mga silungan.

               Inatasan din ng Pangulo ang NHA na ipagpatuloy ang pagtupad sa mandato nito at tiyaking mabibigyan ng kabuhayan ang mga pamilyang pinagkakalooban ng mga bagong tahanan.

“Patuloy ninyong pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa mga kaakibat na ahensiya, mga lokal na pamahalaan at mga pribadong organisasyon. Hangarin natin na matiyak na may sapat na suporta ang lahat ng mga benepisaryo ng mga bagong tirahang ito,” sabi ni FM, Jr.

At para matiyak ang kaligtasan ng mga tatanggap, hiniling ng Pangulo sa ahensiya na magtayo ng mga pabahay na sapat ang tibay upang makayanan ang banta ng mga natural na kalamidad.

Ang mga bagong housing unit ay magsisilbing tahanan ng halos 30,000 pamilyang Filipino ngayong Pasko habang pinangunahan ng Pangulo ang ceremonial turnover ng mga house and lot units kahapon mula sa NHA, na sabay-sabay na isinagawa sa buong bansa.

Sa pagharap sa mga benepisaryo, hiniling ng Pangulo na pangalagaan at pahalagahan ang kanilang mga bagong tahanan at tumulong sa pagpapabuti ng kanilang bagong komunidad.

Hiniling din ni Pangulong Marcos ang kooperasyon ng LGU at pribadong sektor upang matiyak ang kagalingan ng mga benepisaryo sa kanilang bagong kapaligiran. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …