ARESTADO ang 23 kataong pawang mga lumabag sa batas sa sunod-sunod na operasyong isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 4 Disyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, narekober ang halagang P170,000 hinihinalang shabu ng Provincial Intelligence Unit (PIU) katuwang ang San Jose del Monte CPS sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Mulawin, San Jose del Monte dakong 1:10 am kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Elias Del Rosario, John Mindo, at Amador Montilla, nasamsaman ng 11 pakete ng hinihinalang shabu at marked money.
Gayondin, nasakote ang anim pang pinaniniwalaang drug dealers sa serye ng mga drug bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng mga himpilan ng pulisya ng San Ildefonso, San Miguel, Pulilan, at San Jose del Monte.
Kinilala ang mga suspek na sina Sonny Bautista, Camila Miranda, Albert Parungao, Eugene Santos, Liza Dimaculangan, at John Carlo Angelo Batalla.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 31 pakete ng hinihinalang shabu at marked money.
Samantala, isinilbi ng mga tauhan ng 1st PMFC, Malolos CPS, at 301st MC, RMFB3 ang warrant of arrest na inilabas ng Malolos City RTC Branch 18 laban kay Rollie Viudez, 38 anyos, lineman, wanted sa kasong paglabag sa Sec. 5 (a) at (i) ng RA 9262.
Arestado rin ang 12 illegal gamblers sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS sa kanilang ikinasang illegal gambling operation sa San Jose Heights, sa naturang lungsod.
Naaktohan ang mga suspek sa pagsusugal ng cara y cruz at nakompiska ang tatlong pisong barya na ginagamit bilang pang-kara; at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)