TINIYAK ni Department of Agriculture (DA) Deputy Spokesperson Rex Estoperez, sapat ang suplay ng baboy para matugunan ang pangangailangan sa merkado ngayong kapaskuhan.
Ayon kay Estoperez, dahil mas gusto ng mga mamimili na bumili ng sariwang karne, tanging ang mga nagbebenta ng frozen meat ang nag-aalangan na ilabas ang kanilang mga supply nang maramihan.
“Ayun nga lang, kung may frozen at mababa, depende sa inyo kung tatangkilikin ninyo ‘yun. Kung bagong katay, sa inyo naman ang preference. Pero, wala tayong kakulangan sa karneng baboy lalong-lalo na nalalapit ang Pasko,” ani Estoperez.
Gayondin ang sinabi ng grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) noong Miyerkoles, may sapat na supply ng baboy para sa holidays kahit tumaas ang presyo sa ilang wet market sa Metro Manila.
Anang SINAG, ang farmgate prices ng live hogs ay nasa P155 hanggang P175 kada kilo, pero tumaas ito ng P300 bawat kilo sa ilang wet market sa Metro Manila.
Dagdag ng DA, nakapokus ngayon ang gobyerno sa pagpapalakas ng produksiyon ng live hog matapos na tamaan ng African Swine Fever (ASF) ang anim na rehiyon sa bansa. (ALMAR DANGUILAN)