ILANG oras matapos mapatay ang dalawang pulis sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga nitong Sabado, 3 Disyembre, nasukol ang tatlo sa limang suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad.
Ipinahayag ni PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen kamakalawa ng tanghali ang pagkakadakip sa tatlong pangunahing suspek sa krimen na kinilalang sina Jun Jun Baluyut, 44 anyos, ng Xevera Subdivision, Brgy. Tabun; Aries Bagsic, 40 anyos, ng Brgy. Lakandula; at Leslie Placiente, 30 anyos, ng Brgy. Dau, pawang sa nabanggit na lungsod.
Nadakip ang tatlo sa Brgy. Dau kung saan nakompiska sa mga suspek ang isang kulay orange na motorsiklong Honda Click, may patak ng dugo at pinaniniwalaang isa sa mga motorsiklong pag-aari ni Baluyut na ginamit sa pagpaslang sa dalawang pulis.
Kaugnay nito, habang nagsasagawa ng checkpoint operation, ang mga tauhan ng Mabalacat CPS, pinara nila ang isang rider na sakay ng itim na motorsiklong walang plaka ngunit imbes tumalima ay nagbunot ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad.
Napilitang gumanti ang operating troops na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek na kinilalang si Kiel Patrick Chua, alyas Kelkel, na sinabing kasabwat ng tatlong nauna nang naarestong suspek batay sa extrajudicial confession ni Baluyut.
Nakuha kay Chua ang isang kalibre .45 baril at isa pang motorsiklo.
Pahayag ni P/BGen. Pasiwen, kasalukuyan pang pinaghahanap si Kenneth Flores at isang alyas Pusa kasunod ng pagkakarekober ng isa sa mga baril ng napatay na pulis sa roof gutter ng bahay na pag-aari ni Flores. (MICKA BAUTISTA)