MAGKAKASUNOD na naaresto ang 10 hinihinalang tulak at apat na pugante sa pagpapatuloy ng pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 3 Disyembre.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, dinakip ang 10 indibiduwal sa ikinasang anti-drug bust na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Balagtas, Baliwag, Guiguinto, Hagonoy, Marilao, Obando, San Miguel, at Sta. Maria.
Kinilala ang mga suspek na sina Sherwin Sedutan alyas Win; Mark Jayson Padua; Aaron Villarico, alyas Ron; Ronnie Rollon; Rey Rafaela, alyas Sano; Wilfredo Crisostomo, alyas Tirok; Angelito Reyes, alyas JR; Edgar Valderama, alyas Arabo; Rommel Salvador alyas Omeng; at Ruther Baltazar.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 24 pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money.
Kasabay din nito, nasakote sa serye ng manhunt operation na ipinatupad ng tracker teams ng mga police stations ng Baliwag, Meycauayan, at San Jose del Monte ang apat kataong pinaghahanap ng batas.
Dinakip ang mga akusado sa mga kasong Simple Arson and Qualified Theft; Slight Physical Injuries; siyam na bilang ng kasong Falsification of Commercial Documents; at paglabag sa Sec 22 (a) kaugnay sa Sec 22 (d) ng RA 8282 (Social Security Act of 1997).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/stations ang lahat ng mga nadakip na akusado para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)