NABUWAG ng pulisya ang dalawang drug den sa lalawigan ng Bulacan matapos salakayin at maaresto ang mga sinabing ‘operators’ sa isinagawang anti-illegal drugs operation nitong Martes ng gabi, 29 Nobyembre.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, dakong 10:00 pm kamakalawa nang magkasa ng anti-illegal drugs operation ang mga tauhan ng San Jose del Monte CPS sa Verde Heights Subd., Brgy. Gaya-Gaya, na nagresulta sa pagkabuwag ng drug den at pagkaaresto ng apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Richard Pascua, Jerry Ebaña, Levy Ventura, at Melissa Correl na nakompiskahan ng 11 pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at marked money.
Kasunod nito, isa pang drug den sa Brgy. Sto. Cristo, Malolos ang nabaklas ng mga tauhan ng Malolos CPS matapos ang ikinasang drug -bust operation.
Nasakote ang limang drug suspect na kinilalang sina Maricel Robles, Vergelio Panluceno, Angelo Ramos, Dominic Dimagiba, at Jamill Tamayo habang nasamsam mula sa mga suspek ang walong pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at marked money.
Gayondin, naaresto sina Mark Anthony Amboy, Efren Libao, at Emilito Basas sa serye ng drug sting operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng mga police stations ng Pandi, Balagtas at Guiguinto. (MICKA BAUTISTA)