DAHIL sa pambu-bully, patay ang 18-anyos binatilyo habang sugatan ang kanyang kapatid at pinsan, nang masaksak sa naganap na rambol sa harap ng isang paaralan malapit sa SM North, Quezon City, Martes ng gabi.
Ang biktimang napatay ay kinilalang si Samuel De Villa Aguila, 18, kahero, at residente sa Zamboanga St., Pael Compound, Brgy. Culiat, habang sugatan ang kapatid niyang si Jimuel De Villa Aguila, 16, at ang pinsan niyang si Jayven De Villa Macatangay, 24, nakatira sa Rosal St., Brgy. Old Capitol Site, Quezon City.
Nasa kustodiya ng pulisya ang apat na persons-of-interest Child in Conflict with the Law (CICL) nasa edad 15 anyos, grade 10; 14, grade 8; 17, grade 11, at 17, grade 10 student.
Ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:50 pm nitong Martes, 29 Nobyembre, nang maganap ang rambol sa Misamis Arcade, malapit sa SM North EDSA, Misamis Road corner EDSA, Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon nina P/SSgt. Rhic Roldan Pittong, P/SMSgt. Eldin Dino, at P/Cpl. Ramon Kristopher Derit, bago naganap ang rambol, kasama ng biktima ang kapatid at pinsan at isa pang kaanak sa harap ng San Francisco High School malapit sa SM North.
Sinabing kakausapin ng pinsan ng 14-anyos na babae ang kasamahan ng mga biktima, pero bigla na lang daw umatake at nambugbog ang mga nasaksak.
Nabatid na ang pinag-ugatan ng gulo ay ang ilang beses na pambu-bully ng kasamahan ng mga biktima sa 14-anyos na babae.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung sino ang sumaksak sa mga biktima at hindi pa rin nabawi ang patalim na ginamit.
Naisugod sa Quezon City General Hospital si Samuel ngunit binawian ng buhay, habang nilalapatan ng lunas ang dalawa pa.
Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na inisidente. (ALMAR DANGUILAN)