IPINAG-UTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang pagsibak sa puwesto sa apat na enforcers ng Field Enforcement Division (FED) sa lalawigan ng Bulacan dahil sa pangongotong.
Ito ay matapos kumalat sa social media ang video ng mga enforcer na tangkang nangingikil ng P8,000 sa motorista na kanilang sinita sa LTO checkpoint sa bayan ng Bocaue patungong Philippine Arena nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Tugade, tinanggal muna nila sa trabaho ang apat na enforcers habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kanila.
Sa ngayon, ipinatawag sa tanggapan ng Law Enforcement Services (LES) ang mga enforcer na sakay ng LTO mobile #14, may plate number SHS 234 para sa karagdagang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Sa sandaling mapatunayang nagkasala ang mga enforcer, tiniyak ni Tugade na tatanggalin sila sa LTO at sasampahan ng kasong administratibo at kriminal. (MICKA BAUTISTA)