ISANG 67-anyos lolo ang patay nang mabagok habang lumilikas nang masunog ang ilang tahanan sa isang residential area sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Delfin Enerva, 67 anyos, residente sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Batay sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, dakong 4:00 am nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan ni Nestor Bactismo sa Saint Vincent St., Brgy. Holy Spirit.
Nabatid na malaki na ang apoy at hindi na niya naapula kaya’t iniligtas na lang ang mga anak.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay kaya’t nagmamadaling nagsilikas ang mga kapitbahay, kabilang ang biktima.
Gayonman, habang lumilikas ay minalas na madulas ang biktima at nabagok ang ulo.
Naisugod pa sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.
Tinatayang nasa 20 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok sa 10 tahanan.
Alas 5:50 am nang maideklarang under control ang sunog bago tuluyang naapula dakong 6:20 am.
Inaalam ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito. (ALMAR DANGUILAN)