INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr., mahigit sa 24,000 ang naarestong drug personalities sa ilalim ng bagong multisectoral na programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA).
Ayon kay Abalos, tuloy-tuloy ang isasagawang mga drug raid at operasyon ng pulisya at iba pang drug enforcement units sa ilalim ng BIDA program bukod sa pagpokus sa demand reduction at rehabilitasyon ng drug users.
Sinabi niyang inaasahan din ng pamahalaan ang suporta ng publiko at ng lahat ng sektor ng lipunan sa kampanyang ito sa pamamagitan ng pagrereport ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar sa mga awtoridad.
Binigyang-diin, hindi dapat ang pulisya ang kumikilos kundi pati ang mga mamamayan sa kampanya laban sa droga. Lahat aniya ay dapat kumikilos at maging BIDA advocates.
Samantala, sinabi rin ni Abalos, popokus din ang BIDA sa pag-alalay sa mga nalulong sa bawal na gamot para tuluyan silang magbagong-buhay.
Mula 1 Hulyo hanggang 24 Nobyembre 2022, may 24,159 drug personalities na ang naaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
May kabuuang P9.9-bilyong halaga ng ilegal na droga ang nakompiska sa mga drug operations na isinagawa ng pulisya.
Noong Sabado, halos 25,000 katao ang dumagsa sa Quezon City Memorial Circle para sa BIDA grand launching at nagpahayag ng pledge of support para sa kampanya. (ALMAR DANGUILAN)