ARESTADO ang isang lalaking may kasong panggagahasa kasama ang iba pang indibidwal na pawang may paglabag sa batas sa operasyong isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 26 Nobyembre.
Inihayag ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip sa inilatag na manhunt operation ng tracker team ng Sta. Maria MPS ang suspek na kinilalang si John Rey Echepare, 34 anyos, vendor, at residente sa Brgy. San Jose Patag, sa bayan ng Sta. Maria.
Inaresto si Echepare sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malolso City RTC Branch 82 para sa kasong Rape na walang itinakdang piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Gayondin, nasukol ang anim pang indibidwal na may mga kasong kriminal ng mga warrant officers ng 2nd PMFC, at mga tauhan mula sa mga police stations ng Pulilan, Marilao, Guiguinto, San Jose del Monte, at Balagtas matapos isilbi ang arrest warrants para sa iba’t ibang paglabag sa batas.
Kinilala ang mga akusado na sina CP Fajardo sa kasong Estafa; AR Galang, Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property; MD Forones para sa Perjury; RL Victorioso para sa paglabag sa Section 12 ng RA 9165 at RA 10591; MB Ygey sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa Sec. 5, Art. II ng R.A. 9165, at Sec. 11, Art. II ng R.A. 9165; at DS Borja, Jr., para sa limang bilang ng kasong paglabag sa BP 22.
Arestado ang drug suspect na kinilalang si Dennis Abaigar matapos ang napagkasunduang drug trade sa ikinasang buy-bust operation ng Marilao MPS kung saan narekober ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at bust money. (MICKA BAUTISTA)