UMAASA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na muling isasaalang-alang ng Court of Appeals (CA) ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) para sa suspensiyon ng pagpapatupad ng South Premier Power Corp. (SPPC) Power Supply Agreement (PSA) sa Maynila Electric Co. (Meralco).
“The implementation of the PSA between Meralco and San Miguel, it is unfortunate that this has happened, it will cause further dislocations and possible price increase for power,” sabi ni FM Jr., kamakalawa kaugnay ng TRO laban sa PSA.
Sana, aniya, ay isama ng CA sa kanilang deliberasyon ang napakasamang epekto nito sa presyo ng koryente para sa mga ordinaryong Pinoy.
Nag-isyu ang 14th Division ng CA ng TRO pabor sa SPPC, isang subsidiary ng San Miguel, na may 60-araw epekto mula sa serbisyo sa mga respondent.
Ang SPPC ay naghain ng petisyon na umaasang pagbibigyan ng CA ang rate petition “nang walang pagkiling sa anomang karagdagang kahilingan para sa mga price adjustment mula Hunyo 2022 pataas.
Ibinasura ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagtaas ng singil dahil ang regulatory body ay nagpasiya na ang napagkasunduang presyo sa PSA ay likas, at ang mga batayan para sa pagtaas na binanggit ng SPPC at Meralco ay hindi kabilang sa mga eksepsiyon na magpapahintulot sa price adjustment.
Nagpahayag ng pagkabahala ang ERC sa agarang epekto ng pansamantalang suspensiyon sa pagpapatupad ng PSA na maglalantad sa humigit-kumulang 7.5 milyong rehistradong consumer ng Meralco sa National Capital Region at iba pang lugar sa Central Luzon at Calabarzon sa mas mataas na singil sa koryente nang walang paghahanda na karaniwang sinusunod sa kaso ng pagwawakas ng PSA.
Ayon sa regulatory body, ang fixed price PSA ng Meralco na may SPPC ay sumasaklaw sa 670MW of supply, kasama ang iba pang fixed price PSAs, ay naging proteksiyon sa mga consumer ng Meralco sa nakalipas na ilang buwan mula sa pabago-bagong presyo mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at awtomatikong fuel pass-through na mga PSA.
Kung ang mga PSA ay agad na sususpendehin, kinakailangan ang wastong pagsunod sa mga tuntunin ng PSA, kabilang ang napagkasunduang proseso ng pagtatapos, ay isasantabi, sabi ng ERC. (ROSE NOVENARIO)