NAGWAKAS ang matagal nang pagtatago sa batas ng isang lalaki na may kasong panggagahasa nang maaresto kabilang ang dalawa pang pinaghahanap ng batas at siyam na hinihinalang tulak sa operasyong isinagawa ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Martes, 22 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang arestadong suspek na si Andy Villagracia, nakatalang most wanted person (MWP) sa city level ng lungsod ng San Jose Del Monte.
Dinakip si Villagracia sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng San Jose del Monte RTC Branch 5FC para sa anim na bilang ng kasong Qualified Rape.
Sa bigat ng kinakaharap na kaso, hindi pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang akusadong si Villagracia upang pansamantalang makalaya.
Kasunod nito, nasukol sa serye ng manhunt operations na inilatag ng tracker teams ng 1st PMFC at Baliwag MPS ang dalawa pang pinaghahanap ng batas.
Samantala, sa mga ikinasang buy-bust operations ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng mga himpilan ng pulisya ng Sta. Maria, Pandi at Baliwag, magkakasunod na nasakote ang siyam na hinihinalang mga drug dealers na kinilalang sina Randy Baril, Ronie Nicolas, Loveghia Alcoba, Marcelino De Leon, Eduardo Merciadez, Darwin Cacao, Janperson Dagondon, Leo Jacinto, at Mark Joseph Ignacio.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 11 pakete ng hinihinalang shabu, tatlong pakete ng tuyong dahon ng marijuana, at marked money na ipinain sa operasyon. (MICKA BAUTISTA)