ni Rose Novenario
MAGPAPADALA ng isang note verbale si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa China upang linawin ang magkaibang pahayag ng China Coast Guard at ng Philippine Navy hinggil sa isang insidente malapit sa Pag-asa Island.
Iniulat ng Department of National Defense (DND) ang pang-aagaw ng Chinese coast guard sa isang floating debris na hinihila ng PN, pinutol ang lubid na pinanghahahatak dito at pinaligiran ng kanilang mga barko ang mga tropang Filipino sa karagatan malapit sa Pag-asa Island noong Linggo.
Sa bersiyon ng Chinese Embassy, nagkaroon umano ng “friendly consultation” ang Chinese coast guard para mabawi sa PN ang rocket debris na pagmamay-ari umano nila.
Inirekomenda ni National Security Adviser Clarita Carlos sa Pangulo na magpadala ng note verbale, isang diplomatic communications, sa China kaugnay sa pangyayari.
“Yes, I think that that’s what we need to do because… when it was first reported to me by the Chief of Staff, I asked him to immediately call his… the Philippine, the military attaché in the Chinese embassy and to get a report,” ayon sa Pangulo sa panayam kahapon.
“And hindi nagtugma ‘yung report ng Philippine Navy at saka ‘yung report na galing sa China because the word ‘forcibly’ was used in the Navy – in the Philippine Navy report. And that was not the characterization in the Chinese Navy report or the report coming from China. So we have to resolve this issue,” giit ng Pangulo.
Binigyang diin ni FM Jr., buo ang kanyang tiwala sa Philippine Navy at naniniwala siyang totoo ang ulat nito kaugnay sa insidente kaya’t nais niyang mabatid ang dahilan sa ibang bersiyon na inilahad ng China ukol dito.
Kailangan aniyang malutas ang ganitong klase ng usapin at isa ito sa nais niyang talakayin sa kanyang nakatakdang state visit sa China sa Enero 2023.
“So we’ll have to find a way to resolve this. This is one of the things, this kind of incidents are some of the things that I’m glad that I’m going to Beijing early January because these are the things that we need to work out,” aniya.
“Because with the way that the region, our region, Asia-Pacific, is heating up, baka may magkamali lang, may mistake, may misunderstanding then lalaki ‘yung sunog,” sabi ng Pangulo.
Ayaw ni FM Jr., na may maganap na ‘miscalculations’ at kailangan magbalangkas ng mekanismo upang maiwasan ito.
Kaugnay nito, pinuri ni Rommel Banlaoi, isang international studies expert ang kawastohan ng pagpapadala ng note verbale ni FM Jr., sa China upang malaman ng Beijing na hindi pumapayag ang Filipinas sa inasta nila.
“It’s a way forward na i-express natin sa China na ‘di natin pinapayagan ‘yung mga ganyang klase ng insidente… marami pang insidente na puwedeng mag-cause na tinatawag ko na “unintended encounter at sea” na pwedeng maiwasan,” ani Banlaoi sa programang The Chiefs sa One PH kagabi.