INIANUNSIYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen.Nicolas Torre III na umabot sa 10,174 katao ang naaresto ng kanyang mga tauhan sa pinaigting na anti-criminality at anti-drug operations sa Quezon City, nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay Torre, ang operasyon ay isinagawa mula 14-20 Nobyembre 2022.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 81 suspek sa illegal drugs; 39 most wanted persons (MWP); 24 other wanted persons (OWP); 61 sa illegal gambling; at 9,969 violators ng city ordinances gaya ng jaywalking, littering urinating/drinking/smoking in public places, at paglabag sa discipline hours para sa mga menor de edad.
Aniya, nakakompiska rin sila ng kabuuang 103.57 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P704,276; 13 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at kush na nagkakahalaga ng P4,120; at mga drug paraphernalia mula sa 40 anti-drug operations na nagresulta sa pagkaaresto ng 37 users at 44 pushers.
Ang mga lumabag naman sa city ordinances ay kinasuhan, winarningan o pinagmulta ng mga awtoridad.
Nakakompiska rin ang mga awtoridad ng ‘di pa batid na halaga ng cash mula sa illegal gamblers na kanilang naaresto.
Kaugnay nito, pinuri ng QCPD chief ang kanyang mga tauhan dahil sa matagumpay na operasyon na kanilang isinagawa. (ALMAR DANGUILAN)