SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang bahay sa Brgy. Minuyan Proper, sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, na pinaniniwalaang ginawang drug den saka dinakip ang tatlong hinihinalang tulak sa ikinasang operasyon kontra ilegal na droga ng mga awtoridad nitong Linggo ng umaga, 20 Nobyembre.
Sa ulat mula sa PDEA Bulacan Provincial Office, sa ipinaing operasyon dakong 10:50 am kahapon, naaresto ang tatlong suspek na nakuhaan ng P81,600 halaga ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang mga suspek na sina Romelle Ambrosio, 44 anyos; Ana Ambrosio, 43 anyos; at Ramil Orpilla, 44 anyos; pawang mga residente sa nabanggit na barangay.
Nakompiska mula sa mga suspek ang apat na selyadong pakete ng hinihinalang shabu, may timbang na 12 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P81,600, iba’t ibang drug paraphernalia; at buy-bust money.
Sinabing ang tinitirahang bahay ng mga suspek ay ginawang drug den o batakan at bentahan ng shabu.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)