ILANG oras matapos isagawa ang krimen, agad nadakip ng mga awtoridad ang dalawang lalaking nangholdap at nakapatay sa isang babaeng negosyante sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes ng madaling araw, 18 Nobyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Juan Mejica, alyas Bakal, residente sa Ph-2 Northville 7, Brgy. Malis; at Leonard Manota, alyas Boboy, residente sa Sta. Clara Estate, Brgy. Sta. Rita, pawang sa naturang bayan.
Nabatid na dakong 2:00 am, habang sakay ng tricycle ang biktimang si Imelda Cabigting, 55 anyos, na minamaneho ni Charlie Arena papuntang palengke ay bigla silang hinarang sa daan ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo sabay anunsiyo ng holdap sa Purok 2, Brgy. Malis.
Ayon sa driver na si Arena, pumalag si Cabigting at tumangging ibigay ang kanyang dalang bag kaya binaril siya ng mga suspek na mabilis na tumakas matapos isagawa ang krimen.
Dali-daling humingi ng tulong sa mga awtoridad si Arena na agad na nagsagawa ng follow-up operation sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jowilouie Bilaro, OIC ng Guiguinto MPS.
Dito nadakip ang suspek na si Mejica saka niya itinuro ang kasabwat na naaresto sa isang subdivision sa nabanggit na bayan. (MICKA BAUTISTA)