NAGWAKAS ang maliligayang araw ng dalawang notoryus na tulak nang tuluyang mahulog sa bitag na inilatag ng pulisya sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng madaling araw, 15 Nobyembre.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang dalawang tulak na sina Jonathan Bautista, alyas Aga, at Jay Fernandez, alyas Bote, kapwa mga residente sa Brgy. Binagbag, sa nabanggit na bayan.
Inaresto ang dalawang suspek matapos ang isinagawang drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Angat MPS dakong 3:13 am kahapon sa naturang barangay.
Nabatid, ang dalawang hinihinalang tulak ay tinukoy na salot sa kanilang barangay dahil sa lantarang pagngangalakal ng shabu na labis na ikinababahala ng mga magulang.
Nakompiska sa pag-iingat ng dalawang supek ang limang pakete ng hinihinalang shabu na handa nang ibenta kung hindi naaresto ng alertong pulisya at marked money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa Angat MPS habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)