ARESTADO ang dalawang pinaniniwalaang mga tulak ng ilegal na droga nang maaktohan ng nagpapatrolyang mga awtoridad na nag-aabutan ng hinihinalang shabu sa isang kalye sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 13 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, unang nadakip ang suspek na kinilalang si Marianito Estariado, residente sa Brgy. Wakas, Bocaue.
Dinampot si Estariado nang maaktohan ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Marilao MPS dakong 2:00 am na nag-aabot ng hinihinalang shabu sa isa niyang kasama na nakatakas sa Brgy. Abangan Sur, Marilao.
Nakompiska mula kay Estariado ang dalawang pakete ng pinaniniwalaang shabu, may timbang na 12.3 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P83,640.
Nasukol ang nakatakas niyang kasabwat na kinilalang si Oliver Pigarido ng Brgy. Batia, Bocae nang minalas na mabangga ang sasakyan ng pulis na tumutugis sa kanya na nagresulta sa malubhang pinsala sa kanyang katawan. (MICKA BAUTISTA)