SA HIGIT na pinaigting na operasyon ng pulisya nitong Sabado, 12 Nobyembre, sunod-sunod na nadakip ng pulisya sa Bulacan ang limang drug dealers, anim na wanted criminals, at anim na sugarol sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, arestado sa serye ng drug sting operations ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng mga himpilan ng Marilao, Guiguinto, at San Miguel, ang limang drug dealer na kinilalang sina Randy Rios, Dionel Retuya, Ramon Siongco, Eduardo Santos, at Joey Ramos.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 10 pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money na ginamit na patibong sa operasyon.
Samantala sa Brgy. Malibay, San Miguel, nasukol sa ikinasang manhunt operation ng tracker teams na pinangunahan ng 2nd PMFC katuwang ang San Miguel MPS at 24th SAC 2 SAB PNP-SAF ang wanted criminal na kinilalang si Armando Vidallon, 57 anyos, ng Palangue 2-3, Naic, Cavite.
Inaresto si Vidallon sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Frustrated Murder na inilabas ng Naic, Cavite RTC Branch 15 may petsang 14 Marso 2019.
Nasakote rin ang dalawa pang lalaking pinaghahanap ng batas ng Pulilan MPS at Sta. Maria MPS na kinilalang sina Jonel De Guzman sa kasong Attempted Murder, at Dennis Lacerna sa kasong Frustrated Murder.
Gayondin, magkakasunod na naaresto ng warrant officers ng Balagtas, Marilao at Malolos M/CPS ang tatlong wanted na mga suspek sa iba’t bang krimen.
Samantala, kalaboso ang dalawa katao na napag-alamang hindi awtorisadong STL (Small Town Lottery) collection agents bilang resulta ng anti-illegal gambling operations na isinagawa ng Baliwag MPS at Plaridel MPS.
Dinakip sa Brgy. Lolomboy, Bocaue, ang apat katao ng mga tauhan ng Bocaue MPS matapos maispatang nagsusugal ng mahjong.
Nakompiska sa mga suspek ang STL papelitos, mahjong set, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)