DEDBOL ang isa sa dalawang motornaper nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District – District Anti-Carnapping Unit (QCPD – DACU) sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Martes ng madaling araw.
Inilarawan ni QCPD Director, P/BGen. Nicolas D. Torre III, ang suspek na napatay ay may taas na 5”4’, payat ang pangangatawan, nakasuot ng black hoody jacket, brown short pants at may mga tattoo na ‘Lito Gomez’ sa kanang braso at ‘Edwin Ching’ sa likod, habang nakatakas ang kasamahan na nakasuot ng black T-shirt at maong pants.
Ang biktima ay kinilalang si Ronan Lamadora Samonte, 34, may asawa, Angkas biker, tubong Leyte at residente sa Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan.
Sa report ni P/Maj. Don Don Llapitan, hepe ng DACU, bandang 2:21 am kahapon 8 Nobyembre, habang nagsasagawa ang kaniyang mga tauhan ng anti-criminality operation nang ma-monitor nila sa District Tactical Operation Center (DTOC) na kinarnap ng dalawang hindi kilalang supek ang isang maroon/white SYM motorcycle, may plakang AD-68522, pag-aari ni Samonte sa kanto ng Dhalia at Walnut streets sa Brgy. Fairview, Quezon City.
Agad nagresponde ang ang mga pulis, kasama ang biktima at habang binabagtas ang bahagi ng Mindanao Ave., Extension, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, ay namataan nila ang mga suspek na sakay ng kani-kanilang mga motorsiklo, at isa rito ay pag-aari umano ng biktima.
Dahil dito, hinarang ng mga pulis ang mga suspek ngunit imbes huminto ay binilisan pa ang pagtakbo dahilan upang habulin sila ng mga operatiba hanggang makorner sa nasabing lugar.
Pero nang lalapitan ng mga operatiba ang mga suspek ay biglang bumunot ng baril ang isa sa kanila at pinaputukan ang mga pulis na nakasuot ng bullet vest, dahilang upang gumanti na rin ng pamamaril ang mga awtoridad, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng isa sa mga suspek habang ang isa naman ay nakatakas.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kinarnap na motorsiklo mula sa biktima, isang itim na Honda Click na walang plaka at isang kalibre .38 revolver. (ALMAR DANGUILAN)