INARESTO ng mga awtoridad ang isang babae at kanyang kinakasama nang mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga at baril na kargado ng bala sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 7 Nobyembre.
Resulta ang operasyon ng patuloy na surveillance at follow-up operations ng pulisya dahil karamihan sa mga naaresto nila kaugnay ng ilegal na droga ay ang babaeng suspek ang itinuturong supplier.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Rosette Santos at Roberto Cruz alyas Obet, live-in partners at pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. Sta. Rita, sa nabanggit na bayan.
Nakompiska mula sa mga suspek ang apat na bulto ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahaga ng P130,000; isang kalibre .38 baril at mga bala.
Nabatid na dayo ang mga suspek sa Bulacan at nangungupahan sa Brgy. Sta. Rita at dahil sa bulto-bultong ilegal na droga pinaniniwalaang mga supplier rin ang ilan sa kanilang mga parokyano.
Hindi itinanggi ng mga suspek ang krimen at sinabing baguhan pa lamang sila sa kalakaran.
Ani Santos, napilitan lang silang gawin ito dahil simula nang magkasakit ang kinakasama ay hindi na na nakapaghanapbuhay si alyas Obet.
Patuloy na tinutunton ng pulisya ang mga posible pang kasabwat ng mga suspek sa kalakaran ng droga at kung gaano kalawak ang kanilang operasyon.
Nakatakdang sampahan ang mga akusado ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 na kasalukuyang nakakulong sa Guiguinto MPS jail. (MICKA BAUTISTA)